Hindi pa umano nalilimutan ang isyu ng mga kontrobersyal na flood control projects, ayon kay Palace Undersecretary Claire Castro, kasunod ng kumpirmasyon ng pagkakaaresto sa dating mambabatas na si Elizaldy Co.
Ayon kay Castro, ang pangunahing tanong ngayon ay kung handa na bang ihayag ni Co ang buong katotohanan sa likod ng mga alegasyon ng anomalya.
Samantala, target ipatawag sa susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee si Co kaugnay ng isyu.
Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, plano nilang ipaharap si Co kasama sina Orly Guteza at ilang dating sundalo na nag-claim na sila umano ang nag-deliver ng P805-B kickback.
Giit ni Lacson, magkakaugnay ang mga testimonya kaya lilinawin sa pagdinig kung sino ang nagsasabi ng totoo.
Posible ring maimbitahan sina dating Budget Secretary Amenah Pangandaman at Presidential Legislative Liaison Office Usec. Adrian Bersamin kung mababanggit sa mga testimonya.
Samantala, kinakailangan munang humingi ng pahintulot sa korte bago maiharap si Co sa Senado dahil sa nakabinbing warrant mula sa Sandiganbayan.
Sa ngayon, hinihintay pa ng komite ang partial report bago ipagpatuloy ang imbestigasyon. | via Ghazi Sarip, D8TV Correspondent
