Pinag-aaralan ng Maharlika Investment Corporation (MIC) ang pakikipagtulungan sa Philippine National Oil Company (PNOC) at sa pribadong sektor para sa pagtatayo ng mga oil storage facility sa bansa.
Ayon kay MIC President at CEO Rafael Consing Jr., layunin ng plano na mapalakas ang energy security ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kapasidad sa pag-iimbak ng langis.
Giit niya, mas nais ng MIC na mamuhunan sa imprastruktura tulad ng storage facilities kaysa direktang bumili ng langis upang maiwasan ang exposure sa market risk.
Sa ilalim ng panukala, maaaring mag-ambag ang PNOC ng lupa o asset, habang ang pribadong sektor ang posibleng mamahala sa operasyon ng mga pasilidad. Ang MIC naman ang magsisilbing capital provider ng proyekto.
Sinabi ng MIC na nasa maagang yugto pa lamang ang inisyatiba at kailangan pa ang pag-apruba ng kani-kaniyang boards at investment committees.
Inaasahang bubuo rin ng technical working group para sa mas detalyadong pag-aaral ng proyekto.
