Alegasyon ni Madriaga, tinawag na “kabalbalan”

“KABALBALAN”

Tinawag na “kabalbalan” ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang mga bagong alegasyon ng self-confessed bagman na si Ramil Madriaga kaugnay ng impeachment case.

Sa panayam ng D8TV News, iginiit ni Atty. Salvador Paolo Panelo Jr., legal counsel ng Bise Presidente, na walang basehan ang mga kritikal na paratang ni Madriaga laban kay VP Sara at maging sa dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Partikular na kinuwestiyon ng kampo ang mga alegasyon ni Madriaga tulad ng cash deliveries at komunikasyon gamit ang prepaid phones.

Ayon pa kay Panelo, bago pa man humarap si Madriaga sa impeachment hearing, kumpiyansa na ang kampo ng Bise Presidente na pawang kasinungalingan ang mga ilalabas nitong pahayag.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi rin ng kampo ni Duterte na napatunayan umano ang kanilang naunang pagtaya na si Madriaga ang “weakest link” ng kaso. Anila, nabigo itong sagutin ang mga ebidensiyang iniharap laban sa kanya sa isinampang perjury complaint ni Inday Sara.

Sa kabila nito, tiniyak ng kampo ni VP Duterte na handa silang muling sagutin at pabulaanan ang mga alegasyon laban sa kanya. | via Joana Luna, D8TV News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *