Nangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagpapatuloy ang mga hakbang para mapaunlad ang kapakanan ng mga pampublikong guro sa bansa.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa isinagawang mass oath-taking ng 2,121 bagong promoted na guro at punong-guro mula sa Eastern Visayas sa Tacloban City Convention Center.
Sa nasabing bilang, 1,679 ang na-promote sa ilalim ng Expanded Career Progression (ECP) system, habang 442 naman sa non-ECP track. Kabilang din sa mga nanumpa ang 26 longest-serving teachers at dalawang benepisyaryo ng programang “Sa Pinas, Ikaw ang Ma’am at Sir” o SPIMS.
Ayon kay Marcos, layunin ng mga inisyatibang ito na matugunan ang matagal nang hamon sa career growth ng mga guro, na naging dahilan kung bakit ang ilan ay napipilitang lumipat ng trabaho para sa mas mataas na sahod.
Aniya, nagbibigay ang ECP system ng mas malinaw na landas para sa promosyon at paglikha ng mas maraming posisyon sa pagtuturo.
