P20/kl na bigas, inilunsad sa Makati

Inilunsad ng Department of Agriculture ang “Benteng Bigas Meron (BBM) Na” program sa Makati City, kung saan 750 miyembro ng vulnerable sectors ang unang nakinabang sa P20 kada kilo na bigas.

Ayon kay Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., malaking tulong ang programa sa mga pamilyang Pilipino na nahaharap sa tumataas na gastusin dulot ng global energy crisis.

Kabilang sa mga kwalipikadong benepisyaryo ang mga senior citizen, persons with disabilities, solo parents, minimum wage earners, transport workers, at iba pang low- to lower-middle-income households.

Samantala, sinabi ni Mayor Nancy Binay na target nilang maipamahagi ang murang bigas sa 30 barangay sa lungsod, kabilang ang posibleng house-to-house delivery lalo na para sa mga senior citizen.

Gagamitin din ang PBBM Registry System kung saan bibigyan ng QR code ang mga benepisyaryo upang masubaybayan ang kanilang pagbili sa Kadiwa ng Pangulo outlets.

Sa ngayon, umaabot na sa 900 Kadiwa outlets sa 82 lugar sa buong bansa ang saklaw ng programa, at target itong madoble sa 1,800 outlets bago matapos ang taon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *