Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtanggal ng excise tax sa liquefied petroleum gas (LPG) at kerosene bilang hakbang upang mapagaan ang epekto ng mataas na presyo ng langis sa mga pamilyang Pilipino.
Sa isang press briefing sa Malacañang, sinabi ng Pangulo na ang hakbang ay magreresulta sa agarang pagbaba ng presyo ng LPG ng humigit-kumulang P3.36 kada litro, at P5.60 kada litro naman para sa kerosene.
Dagdag pa niya, tatalakayin sa darating na pagpupulong ng UPLIFT Committee ang posibleng pagbabago rin sa excise tax para sa gasolina at diesel.
Ang hakbang ay bahagi ng mas malawak na tugon ng pamahalaan sa pabago-bagong presyo ng langis sa pandaigdigang merkado na dulot ng tensyon sa Middle East.
Nakabatay ang polisiya sa Republic Act 12316 na nagbibigay kapangyarihan sa Pangulo na suspendihin o bawasan ang excise tax sa petrolyo kapag lumampas sa itinakdang presyo sa pandaigdigang merkado.
Samantala, patuloy na isinusulong ng pamahalaan ang iba pang programa tulad ng fuel subsidy para sa mga public utility vehicle at service contracting upang matulungan ang mga commuter at transport workers.
