Pinalakas na ng Police Regional Office CALABARZON o PRO4A ang kampanya laban sa ilegal na sugal, smuggling, at oil pilferage sa buong Region 4A.
Sa direktiba ni Acting Regional Dir. PBGen. Hansel Marantan, mas paiigtingin ang operasyon upang buwagin ang mga organisadong grupo at maprotektahan ang ekonomiya ng rehiyon.
Ayon sa ulat, nagbunga na ang mga naunang hakbang ng pulisya, kabilang ang pagbaba ng operasyon ng ilegal na sugal sa mga lungsod at inland areas, paghina ng smuggling sa mga baybayin, at pagpigil sa ilegal na pagkuha ng langis.
Bahagi ng kampanya ang paggamit ng intelligence-driven operations, pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya, at pagpapalakas ng presensya ng pulisya sa mga kritikal na lugar.
Iginiit ni Marantan na magpapatuloy ang walang humpay na operasyon sa mga nalalabing buwan ng kanyang termino.
Hinimok naman ng PRO4A ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon, kasabay ng pagtitiyak na ang lahat ng operasyon ay naaayon sa batas at gumagalang sa karapatang pantao.
Samantala, nananawagan din ang publiko na imbestigahan ang mga umano’y protektor at kolektor ng ilegal na aktibidad sa rehiyon.
