Excise tax cut sa langis, under review pa; Tsuper at mambabatas, nananawagan ng mas malawak na solusyon

Isang araw matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang batas na nagbibigay sa kanya ng kapangyarihang suspindihin o bawasan ang excise tax sa langis, sinabi ng Malacañang na hindi pa tiyak kung gaano kalaki ang ipatutupad na bawas.

Sa press briefing ngayong Huwebes, ipinaliwanag ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro na kasalukuyan pang nire-review ang posibleng reduction rate dahil pabago-bago ang presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado.

Pero para sa 12 taong tsuper na si Tony Prado, pangulo ng Cubao-Divisoria Jeepney Operators Drivers Association, hindi sapat ang ganitong hakbang.

Giit niya, mas kailangang ibasura ang Oil Deregulation Law at tanggalin ang VAT sa produktong petrolyo upang tunay na gumaan ang buhay ng mga drayber at pasahero.

“Napakalaking epekto, ang laking nawawalang kita namin, halos ang kinikita namin napupunta sa crudo”

Dahil dito, nanawagan naman si Prado sa Pangulo, “Bilang presidente, nananawagan po {ako) {kung} kaya nyang utusan, {kung} kaya nyang kontrolin ang lahat ng oil companies na sabihin na i-roll back ang presyo ng langis.”

Sa panig naman ng Kongreso, iginiit ni Kabataan Party-list Representative Renee Co na malinaw ang panawagan ng mga tsuper na agarang ibaba ang presyo ng langis. Aniya, magagawa lamang ito kung maipapasa ang panukalang batas ng Makabayan bloc, kabilang ang pag-amyenda sa Price Control Act at pagbabasura sa Oil Deregulation Act.

“Kahit may hinihingi si Pangulong Marcos Jr. na emergency powers, wala tayong nakikitang emergency action.”

Samantala, sa tanong kung masusundan pa ang kilos-protesta sa mga susunod na linggo, sinabi ni Co na aantayin muna nila ang magiging desisyon ng mga transport group.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *