Nakiisa si Gabriela Women’s Party-list Rep. Sarah Elago sa malawakang protesta ng kababaihan ngayong International Women’s Day upang igiit ang panawagang ibaba ang presyo ng mga bilihin at alisin ang buwis na nagpapabigat sa mamamayan.
Ayon kay Elago, bitbit ng kababaihan sa kilos-protesta ang panawagang tanggalin ang 12% Value Added Tax (VAT) sa mga pangunahing bilihin at serbisyo, at ibasura ang excise tax sa langis, dahil lalo nitong pinapataas ang gastos ng mga pamilya.
Iginiit ng mambabatas na lalong tumitindi ang pasanin ng mamamayan dahil sa pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, na pinalalala umano ng tensyon at mga pag-atake ng Estados Unidos sa Iran at iba pang bahagi ng Middle East.
Aniya, sa halip na protektahan ang mamamayan sa epekto ng pandaigdigang krisis, ipinapasa umano ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang bigat nito sa ordinaryong Pilipino sa pamamagitan ng regresibong buwis.
Pinakamabigat aniya ang epekto nito sa kababaihan, lalo na sa mga ina at manggagawang kababaihan, na araw-araw na nagbabanat ng buto upang mapagkasya ang kita sa pagkain, pamasahe, kuryente, tubig, at iba pang pangangailangan ng pamilya.
Kaugnay nito, isinusulong ng Gabriela Women’s Party ang Presyo Ibaba Bill (House Bill 4774) na naglalayong alisin ang VAT at excise tax sa langis, at tanggalin ang VAT sa mga pangunahing bilihin at serbisyo upang mapababa ang presyo ng pagkain, transportasyon, at iba pang batayang pangangailangan.
Sa kabila ng umano’y misogyny, sexism, at pagmamaliit sa boses ng kababaihan, nanawagan si Elago sa patuloy na pagkakaisa upang ipaglaban ang nakabubuhay na sahod, mas mababang presyo ng bilihin, at isang lipunang malaya sa diskriminasyon at pang-aapi. | via Judea Bernardo, D8TV Correspondent
