Trabaho Centers sa buong bansa, aprubado na

Aprubado na sa House Committee on Labor and Employment ang draft committee report para sa panukalang batas na mag-iinstitutionalize ng Trabaho Centers sa mga lungsod at munisipalidad sa buong bansa.

Isinagawa ang pag-apruba sa isang pulong na pinangunahan ni Cavite 1st District Rep. Ramon “Jolo” Revilla III, kung saan nagkaisang inaprubahan ng mga miyembro ng komite ang substitute bill na pinagsama mula sa House Bills 268, 7366, at 7587.

Layunin ng panukala na magtatag ng mas accessible at integrated employment service centers sa lokal na antas upang mapadali ang pag-uugnay ng mga naghahanap ng trabaho sa mga available na oportunidad.

Kasama rin sa panukala ang pagtatatag ng job placement offices sa mga educational institution para matulungan ang mga graduating students at kabataang manggagawa sa kanilang paglipat mula sa paaralan patungo sa workforce.

Ayon kay Revilla, mahalaga ang hakbang na ito upang matugunan ang matagal nang hamon sa job matching at accessibility ng employment services. Aniya, sa pamamagitan ng institutionalization ng Trabaho Centers at job placement offices sa mga paaralan, mas mapapalakas ang tulay sa pagitan ng mga Pilipinong manggagawa at ng mga makabuluhang oportunidad sa trabaho.

Sa ilalim ng panukala, magsisilbing local employment facilitation hubs ang Trabaho Centers na magbibigay ng mga serbisyo tulad ng job matching, career counseling, skills referral, at koordinasyon sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno at mga employer mula sa pribadong sektor.

Inaasahan ding mapapalakas nito ang koordinasyon sa pagitan ng national government agencies, local government units, educational institutions, at industry stakeholders upang maging mas responsive ang employment services sa pangangailangan ng lokal na labor market. | via Judea Bernardo, D8TV Correspondent

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *