Pagpapalawig ng EDCOM II, patunay ng seryosong reporma

Itinuturing ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, na iisa ang paninindigan ng Kongreso at ng administrasyon na ipagpatuloy ang reporma sa sektor ng edukasyon.

Ito ay sa kabila ng paglagda sa Republic Act No. 12315 na nagpapalawig sa mandato ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM) II.

Ayon kay Dy, hindi lamang simpleng extension ang naturang batas kundi isang malinaw na mensahe na kailangang tapusin at palalimin ang mga repormang sinimulan upang matiyak ang pangmatagalang benepisyo para sa mga mag-aaral, guro, at pamilyang Pilipino.

Binigyang-diin din ng House Speaker na ipinapakita ng Kongreso ang determinasyon nito hindi lamang sa pamamagitan ng batas kundi pati sa paglalaan ng pondo, kabilang ang pagbibigay ng pinakamalaking badyet para sa edukasyon sa kasaysayan ng bansa.

Aniya, naniniwala ang pamahalaan na ang tunay na puhunan ng bayan ay ang isang edukadong mamamayan.

Sa pamamagitan ng EDCOM II, layunin umanong matiyak na ang mga desisyon sa edukasyon ay nakabatay sa datos, karanasan, at aktuwal na pangangailangan ng mga paaralan at komunidad sa buong bansa. | via Judea Bernardo, D8TV Correspondent

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *