“Hindi pamana ang posisyon sa gobyerno.”
Ito ang pahayag ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno sa Kongreso, kasabay ng panawagan na tuluyang ipasa ang isang batas na magbabawal sa political dynasties, na ayon sa kanya ay nagpapahina sa demokrasya at nagpapalala ng hindi pagkakapantay-pantay sa bansa.
Ginawa ni Diokno ang panawagan kasabay ng kanyang pag-isponsor sa House Bill No. 5905 o ang Comprehensive Anti-Political Dynasty Law.
Ayon sa mambabatas, bigo pa rin ang Kongreso na tuparin ang malinaw na mandato ng 1987 Constitution na magpasa ng batas laban sa political dynasties.
Paliwanag ni Diokno, layon ng panukala na bigyang-lakas ang probisyong konstitusyonal sa pamamagitan ng malinaw na depinisyon ng political dynasties at pagtukoy sa mga ugnayan at sitwasyong ipinagbabawal.
Bagama’t may ilang umiiral na batas na may limitadong anti-dynasty provisions, gaya ng Sangguniang Kabataan Reform Law at mga batas sa Bangsamoro, iginiit ni Diokno ang pangangailangan ng isang batas na sasaklaw sa lahat ng antas ng pamahalaan.
Dagdag pa ni Diokno, ang political dynasties ay nagpapalala ng kahirapan lalo na sa mga probinsiyang mayaman sa likas na yaman sa labas ng Luzon, dahil sa konsentrasyon ng kapangyarihang politikal at ekonomiya.
Ayon sa mambabatas, ginagamit ng malalaking political dynasties ang kanilang impluwensiya upang mapanatili ang patronage politics at makaiwas sa pananagutan, na nagreresulta sa mas mahinang institusyon at limitadong serbisyong panlipunan.
Sa pagtatapos ng kanyang sponsorship speech, hinimok ni Diokno ang kanyang mga kasamahan sa Kongreso na unahin ang interes ng bayan kaysa pansarili o pampamilyang interes, at agad na ipasa ang Comprehensive Anti-Political Dynasty Law. | via Judea Bernardo, D8TV News
