Hindi uuwi ng Pilipinas si dating Pangulong Rodrigo Duterte hangga’t si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Pangulo, ayon sa kaniyang anak na si Davao City Rep. Paolo Duterte.
Ani Pulong, bagama’t dalangin ng kanilang pamilya ang pag-uwi ng kanilang ama ay mas mainam umanong manatili muna ito sa ibang bansa habang si Pangulong Marcos pa ang nakaupo sa Malacañang.
Nakakulong ngayon si dating Pangulong Duterte sa International Criminal Court o ICC sa The Netherlands habang tiniyak naman ni Rep. Duterte na maayos ang kalagayan ng kanilang ama, kapansin-pansin man pamamayat ng mga hita dahil sa kakulangan ng ehersisyo, kumakain na raw ito at unti-unti nang nakakabawi ang katawan.
Dagdag pa niya, patuloy na binabantayan at inaalagaan ng mga doktor sa loob ng ICC detention facility ang dating pangulo.
Samantala, paalala niya sa mga Pilipino ang patuloy na pagsunod sa Saligang Batas, at kung may panganib na haharapin ang mamamayan, iginiit niyang dapat itong ipagtanggol, kasama na ang bansa. | via Ghazi Sarip
