WPS Bahagi na ng Google Maps

Opisyal nang makikita sa Google Maps ang label na “West Philippine Sea” sa bahagi ng South China Sea na sakop ng Pilipinas. Ayon sa Google, ang label ay matagal nang bahagi ng kanilang mapa pero kamakailan lamang ito ginawang mas madaling makita sa iba’t ibang antas ng pag-zoom.

Ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ay nagpahayag ng suporta sa pagbabagong ito, na itinuturing nilang pagkilala sa soberanya ng Pilipinas. Ayon kay AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, ito ay patunay ng internasyonal na pagkilala sa karapatan ng bansa sa ilalim ng 2016 Arbitral Ruling ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Samantala, tinawag ni House Speaker Martin Romualdez ang hakbang ng Google bilang isang “geopolitical milestone” na nagpapalakas sa posisyon ng Pilipinas sa pandaigdigang komunidad. Hinimok din niya ang iba pang mga institusyon at bansa na sundan ang halimbawa ng Google sa paggamit ng tamang label para sa mga karagatang sakop ng Pilipinas.

Ang paggamit ng label na “West Philippine Sea” ay opisyal na itinakda noong 2012 sa ilalim ng Administrative Order No. 29 ni dating Pangulong Benigno Aquino III. Sakop nito ang mga bahagi ng South China Sea na nasa loob ng 200-nautical mile exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas, kabilang ang Kalayaan Island Group at Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal). Ang hakbang na ito ng Google ay itinuturing na isang simbolikong tagumpay para sa Pilipinas sa patuloy nitong laban para sa karapatan sa mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea. | via Dann Miranda | Photo via Screengrab Google Maps

#D8TVNews #D8TV

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *