Witness protection para sa Discaya, sinopla ni Kiko 

Nagbabala si Senator Francis “Kiko” Pangilinan nitong Lunes na hindi kwalipikado para sa witness protection program ang mag-asawang negosyante na sina Cezarah at Pacifico Discaya—na kilala rin bilang Sarah at Curlee—kung mapapatunayang kulang o minanipula ang kanilang sinumpaang salaysay kaugnay ng kontrobersiya sa flood control projects.

Ayon kay Pangilinan, dapat buong katotohanan at walang pagtatakip na magaganap ang ilahad ng mag asawa. Dagdag pa ng senador, ang sinungaling ay kapatid ng magnanakaw.

Matatandaan na naghain ang mag-asawang Discaya ng affidavit sa harap ng Senate Blue Ribbon Committee kung saan pinangalanan nila ang ilang mambabatas at opisyal ng gobyerno na umano’y nanghingi ng pera mula sa mga kuwestiyonableng proyekto.

Subalit duda si Pangilinan sa sinumpaang salaysay ng mga Discaya dahil tanging mula 2022 pataas lamang ang tinukoy sa kanilang testimonya, kahit taong 2016 ng magsimulang makilahok ang kanilang kumpanya sa mga proyekto sa imprastraktura.

Binigyang-diin ng senador na anumang pagtatangkang magsumite ng edited o dinoktor na bersyon ng mga pangyayari ay makakasira sa kanilang hangaring maging state witnesses sa imbestigasyon.

Pinamumunuan ng Senate Blue Ribbon Committee, na muling nagtipon noong Setyembre 8, ang pagbusisi sa mga iregularidad sa flood control projects na pinondohan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Layunin din ng imbestigasyon na tukuyin kung ang sistematikong katiwalian sa ahensya ay nagbigay-daan sa mga kontratista para abusuhin ang mga butas sa sistema at magkamal ng yaman mula sa pera ng bayan. via D8TVNews Andres Bonifacio Jr.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *