Ipinanawagan ang agarang pag-alis ng 12% Value-Added Tax sa kuryente, kabilang ang VAT sa tinatawag na “systems loss”, kasunod ng babala ng Energy Regulatory Commission o ERC, tungkol sa psoibleng pagtaas ng singil sa kuryente.
Ito ang mungkahi ni Former Bayan Muna Rep. Atty. Neri Colemnares, kasabay nang pagsasabing kapag nagkaroon ng pagtaas na hanggang apat na piso kada kilowatt-hour, doble ang magiging epekto nito sa mga manggagawa at ordinaryong pamilya.
Iginiit din ni Colmenares na hindi makatarungan na patawan ng VAT ang “systems loss,” na tumutukoy sa pagkawala ng kuryente habang ito ay ipinapadala sa mga linya ng distribusyon.
“Bakit tayo magbabayad ng VAT sa systems loss gayong wala namang biniling serbisyo o produkto ang konsyumer? Loss nga iyon, walang value added,” pahayag ni Colmenares.
Dagdag pa niya, hindi dapat gawing “gatasan” ang singil sa kuryente lalo na sa gitna ng krisis.
Kasabay nito, hinimok din ni Colmenares ang Kongreso na pabilisin ang pag-apruba sa House Bill 215 o Presyo Ibaba Bill, na layong bawasan ang mga buwis sa mahahalagang produkto at serbisyo.
Ayon naman sa ERC, maaaring tumaas ng dalawa hanggang apat na piso kada kilowatt-hour ang presyo sa spot market ng kuryente dahil sa patuloy na tensyon at digmaan sa Middle East. | via Judea Bernardo, D8TV News
