Sinabi ng Malacañang nitong Lunes na hindi dapat hadlangan ng “utang na loob” ang pagpapatupad ng batas at mga obligasyong internasyonal.
Ito’y matapos akusahan ni Davao City Mayor Sebastian Duterte si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng kawalan ng utang na loob kaugnay ng pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) sa kanyang ama, dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, nagpasalamat na ang pamilya Marcos noong 2016 sa pagpapalibing kay Ferdinand Marcos Sr. sa Libingan ng mga Bayani sa ilalim ng administrasyong Duterte.
“Pero ang pagtanaw ng utang na loob ay hindi dapat maging hadlang sa hustisya,” giit ni Castro.
Sa usapin ng posibleng kaguluhan sa Davao, hinimok niya ang publiko na manatiling kalmado at hanapin ang katotohanan. Pinabulaanan din niya ang mga ulat na may planong pagsalakay sa bahay ni Duterte, tinawag itong “fake news.”
Dagdag niya, hindi balat-sibuyas si Marcos sa mga batikos pero kapag may pang-uudyok sa sedisyon, kailangang umaksyon ng gobyerno. | via Lorencris Siarez | Photo via goodfreephotos.com
#D8TVNews #D8TV
