Sugatan ang tatlong mangingisdang Pilipino matapos tirahin ng Chinese Coast Guard ng malalakas na water cannon ang kanilang mga bangka sa Escoda o Sabina Shoal sa West Philippine Sea noong Biyernes.
Pinuri ni United States Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson ang maagap na responde ng Philippine Coast Guard para depensahan at tulungan ang mga nasaktang mangingisda.
Ayon sa PCG, umabot sa 20 bangka ang hinaras ng pinagsamang puwersa ng Chinese Coast Guard at mga maritime militia nito.
Tatlong oras tumagal ang pananakot hangga’t sa mapilitan ang mga mangingisda na umatras palayo sa lugar.
Ani Commodore Jay Tarriela, unang beses nangyaring direktang tinamaan ang mga bangka, dahil dati ay pananakot lamang ang ginagawa ng China.
Giit niya, ito ay malinaw na paglabag sa karapatang pantao ng mga ordinaryong mangingisdang Pilipino na may karapatang mangisda sa sariling exclusive economic zone ng bansa.
Samantala, tinatayang 300 mangingisda sakay ng mga tradisyunal na bangkang kahoy ang napaalis sa isa sa kanilang nakagawiang pangingisdaan. | via Ghazi Sarip
