Unang petroleum engineering R&D lab sa Pilipinas, ilulunsad sa Palawan

Ilulunsad ng Department of Science and Technology (DOST), sa pakikipagtulungan ng Philippine Council for Industry, Energy and Emerging Technology Research and Development (DOST-PCIEERD) at Palawan State University, ang kauna-unahang research and development (R&D) laboratory para sa petroleum engineering sa bansa sa March 25, 2026 sa Puerto Princesa, Palawan.

Layunin ng pasilidad na palakasin ang kakayahan ng Pilipinas sa oil at gas exploration, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

ANakatuon ang proyekto sa pagtatatag ng Drilling Fluids Research and Innovation (DFRI) Laboratory, na magde-develop ng mga lokal at sustainable na alternatibo para sa drilling fluids, isang mahalagang bahagi sa modernong oil at gas operations.

Ayon kay Renato Solidum Jr., mahalaga ang ganitong inisyatibo lalo na sa harap ng geopolitical tensions sa Middle East at instability sa global oil supply chain, na nagdudulot ng fuel price hikes.

Pinondohan ang DFRI Laboratory ng humigit-kumulang P4.9 million sa ilalim ng Institution Development Program ng DOST-PCIEERD.

Ang Palawan ay tahanan ng 11 commercial oil at gas fields, kabilang ang Malampaya gas field, kung saan kamakailan ay may nadiskubreng bagong natural gas reservoir.

Sa pananaliksik ng PalSU, nakabuo sila ng nanoiron oxide at nanosilica-enhanced drilling fluids bilang mas mura at environmentally sustainable na alternatibo sa conventional materials.

Sa oras na ma-validate, ang mga resulta ng DFRI Lab ay irerekomenda sa Department of Energy upang makatulong sa pagpapalawak ng oil at natural gas exploration sa bansa.

Ayon naman kay Engr. Niñaliza Escorial ng DOST-PCIEERD, inaasahang makatutulong ang laboratoryo upang mabawasan ang pagdepende ng Pilipinas sa imported energy at mapalakas ang lokal na energy sector. | via Judea Bernardo, D8TV Correspondent

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *