Unang Pagharap ni Dating Pangulong Duterte sa ICC, Gagawin sa Marso 14

Nakatakdang humarap sa unang pagdinig si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Biyernes, Marso 14, 2025, eksaktong pitong taon matapos niyang i-atras ang Pilipinas sa ICC noong 2018. Ganap na alas-2 ng hapon (oras sa The Hague) ito gagawin, sa harap ng Pre-Trial Chamber I ng International Criminal Court (ICC).
Inaresto si Duterte ng mga awtoridad ng Pilipinas alinsunod sa warrant of arrest na inilabas ng Pre-Trial Chamber I noong Marso 7, 2025. Isinuko siya sa kustodiya ng ICC noong Marso 12, 2025.
Si Duterte ay nahaharap sa kasong murder na ikinategorya bilang crimes against humanity na umano’y naganap sa Pilipinas mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019. Sa panahong ito, si Duterte ay nagsilbing Pangulo ng Pilipinas, Mayor ng Davao City, at umano’y pinuno ng Davao Death Squad.
Sa kanyang unang pagharap, tatalakayin ng mga judges ang pagkakakilanlan ni Duterte at ang wika na kanyang maiintindihan para sa pagdinig. Ipapaalam din sa kanya ang mga kaso at karapatan niya sa ilalim ng Rome Statute ng ICC. Ang Pre-Trial Chamber I ay binubuo nina Judge Iulia Antoanella Motoc (Presiding Judge), Judge Reine Adélaïde Sophie Alapini-Gansou, at Judge María del Socorro Flores Liera.


Mapapanood ang pagdinig sa website ng ICC na https://www.icc-cpi.int/. Papayagan din ang publiko na dumalo ng personal sa hearing pero limitado lang ang bilang.| Benjie Dorango

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *