Tumaas sa USD105.3 bilyon ang gross international reserves (GIR) ng Pilipinas nitong Hunyo 2025 mula sa USD105.2 bilyon noong Mayo, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Ayon sa BSP, ang pagtaas ay dahil sa foreign currency deposits ng pambansang gobyerno sa BSP at kinita mula sa mga pamumuhunan ng central bank.
Ang GIR ay binubuo ng foreign assets tulad ng foreign securities, ginto, at foreign exchange. Ito ay mahalaga sa pagbabayad ng utang panlabas, pag-angkat ng mga produkto, at pagpapatatag ng piso.
Ang kasalukuyang antas ng GIR ay katumbas ng 7.2 buwan na halaga ng pag-aangkat ng bansa at 3.3 beses ng kabuuang short-term external debt ng bansa — lagpas sa minimum na itinuturing na sapat.
Ayon kay Michael Ricafort ng Rizal Commercial Banking Corporation, makatutulong ang mas mataas na GIR sa pagpapanatili ng magandang credit rating ng bansa. Maari rin itong patuloy na lumago dahil sa OFW remittances, BPO revenues, exports, at turismo. | via Allan Ortega | Photo via PNA
#D8TVNews #D8TV