Tsina, Kinondena ang ‘Tariff Shocks’ ng US sa WTO

Kinondena ng Tsina ang malawakang taripa na ipinataw ng Estados Unidos, na maaaring magdulot ng mataas na inflation, kaguluhan sa merkado, at global recession. Sa muling pag-upo sa pwesto ni US President Donald Trump noong Enero 20, agad niyang ipinatupad ang karagdagang 10% na taripa sa mga produktong mula sa Tsina, kasama ang 25% na buwis sa bakal at aluminyo na magiging epektibo sa Marso 12. Bukod dito, nakatakda ring patawan ng 25% na taripa ang mga imported na sasakyan.


Ayon kay Li Chenggang, kinatawan ng Tsina sa World Trade Organization (WTO), nilabag ng US ang mga pandaigdigang patakaran sa kalakalan sa pamamagitan ng unilateral at arbitraryong pagpapataw ng taripa. Bilang tugon, nagpatupad din ang Tsina ng sariling taripa laban sa mga produktong karbon at likidong natural gas mula sa US. Hinimok ni Li ang Estados Unidos na bawiin ang mga taripa at makipag-usap nang patas sa ibang mga bansa.


Samantala, isang opisyal sa Geneva ang nagsabi na itinuturo ng US ang hindi patas na subsidiya ng Tsina at kakulangan nito sa transparency bilang hadlang sa patas na kalakalan. Nanawagan naman si WTO Director-General Ngozi Okonjo-Iweala sa mga bansang kasapi na panatilihin ang mahinahong diskusyon at isulong ang mga reporma sa organisasyon. – via Allan Ortega

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *