Inihayag ni US President Donald Trump na tiniyak umano sa kanya ni Chinese President Xi Jin Ping na hindi gagalawin ng China ang Taiwan habang siya ang nakaupo sa puwesto.
Ayon kay Trump, alam daw ng China ang magiging “consequences” kung kikilos sila laban sa Taiwan sa panahon ng kanyang administrasyon.
Inamin ni Trump na hindi nila diretsong tinalakay ang isyu ng Taiwan sa kanilang pagpupulong sa South Korea, na nakatutok higit sa trade issues.
Gayunpaman, kumpiyansa siyang hindi gagalaw ang Beijing sa Taiwan habang siya ang presidente.
Nang tanungin kung poprotektahan ba ng US ang Taiwan kung sakaling lusubin ito ng China, sagot ni Trump: “You’ll find out if it happens.”
Samantala, iginiit ng Chinese embassy na hindi nila hahayaang mahiwalay ang Taiwan sa China.
Ayon kay spokesperson Liu Pengyu, isyung panloob ng China ang Taiwan at tanging ang mga Chinese ang may karapatang magpasya rito.
Patuloy namang sinusunod ng Estados Unidos ang “strategic ambiguity” polisiya na hindi tuwirang nagsasabi kung militar silang tutulong sa Taiwan kung sakaling magkaroon ng armadong sigalot, pero tinitiyak na may kakayahan ang Taiwan na ipagtanggol ang sarili alinsunod sa Taiwan Relations Act ng 1979.
Hanggang ngayon, wala pang dagdag na detalye ang White House kung kailan o paano ibinigay umano ni Xi ang nasabing pangako kay Trump. | via Allan Ortega
