Tropical storm “Sinlaku” patuloy na mino-monitor sa labas ng PAR

Lumakas pa at isa nang tropical storm ang dating tropical depression na namataan sa labas ng Philippine Area of Responsibility o PAR, ayon sa PAGASA.

Sa pinakahuling weather bulletin ng ahensiya, namataan ang sentro ng bagyo, na may international name na “Sinlaku”, sa layong humigit-kumulang 2,730 kilometro silangan ng Northeastern Mindanao.

Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot sa 85 km kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 105 kilometro kada oras.

Bagama’t nasa labas pa ng PAR, kabilang ito sa Tropical Cyclone Information Domain ng PAGASA, kung saan mino-monitor ang mga sama ng panahon para sa maagang babala.

Samantala, patuloy namang nakaaapekto ang ridge ng high pressure area sa Northern at Central Luzon.

Sa susunod na 24 oras, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may mga panaka-nakang pag-ulan o pagkulog-pagkidlat sa malaking bahagi ng bansa, kabilang ang Metro Manila, dulot ng localized thunderstorms.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *