Toll discount para sa PUVs at Freight, ipatutupad simula sa Lunes

Magpapatupad ng toll discount ang mga concessionaire sa mga pangunahing expressway para sa mga public utility vehicle, bus, at freight services simula Marso 23.

Ito ay bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maghanap ng paraan upang maibsan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis sa sektor ng transportasyon.

Ayon sa Department of Transportation, boluntaryong magbibigay ng diskwento ang mga tollway operators para sa Class 1 PUVs tulad ng jeepney, Class 2 buses, at Class 3 freight vehicles.

Pinasalamatan ni Transportation Secretary Giovanni Lopez ang San Miguel Corporation at Metro Pacific Tollways Corporation sa pagbibigay ng tulong na pakikinabangan ng mga driver, commuter, at negosyante.

Tatagal ng dalawang buwan ang nasabing diskwento at ipatutupad sa pamamagitan ng rebates na ibibigay ng lingguhan. Sa ilalim nito, maaaring makatipid ng hanggang P18 kada biyahe ang Class 1, P47 sa Class 2, at P72 naman sa Class 3 na sasakyan. | via Joana Luna, D8TV News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *