Tinalo ng PH ang Saudi Arabia sa OT para makapasok sa quarterfinals ng FIBA Asia Cup

Muli na namang nagpakitang-gilas si Justin Brownlee sa oras ng kagipitan, pinangunahan ang Gilas Pilipinas sa 95-88 overtime na panalo laban sa host na Saudi Arabia upang makapasok sa quarterfinals ng FIBA Asia Cup 2025 nitong Lunes sa King Abdullah Sports City stadium sa Jeddah.

Umiskor si Brownlee ng game-high 29 puntos, kabilang ang tres na pumasok 8.4 segundo bago matapos ang regulasyon para maitabla ang laro. May limang assists at apat na rebounds din siya.

Dinomina ng Pilipinas ang overtime, 16-9, na sinimulan ng tres ni Kevin Quiambao, at tinapos ang laban na may pangalawang panalo sa apat na laro.

Sa likod nina Brownlee, AJ Edu, at Quiambao, agad lumamang ang Pilipinas ng doble-digit, 25-15, sa unang kwarter.

Gayunman, nakabawi ang host team at nabura ang lamang sa pamamagitan ng 14-1 run na pinangunahan ni Muhammad-Ali Abdur-Rahkman na nagtapos na may 33 puntos at walong tres.

Nag-ambag si Edu ng 17 puntos, 11 rebounds at isang block, habang nagtala rin si Quiambao ng 17 puntos at si Scottie Thompson ng 4 puntos at 10 rebounds.

“They posed a lot of problems for us… except for the guy sitting to my right (Brownlee), he’s the big shot,” wika ni coach Tim Cone.

Susunod na makakatapat ng Gilas ang two-time defending champion na Australia sa quarterfinals sa Miyerkules. | via Allan Ortega | Photo via FIBA Asia Cup website

#D8TVNews #D8TV

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *