Pinasinungalingan ng palasyo ang mga palitan ng mensahe nina dating Undersecretary Adrian Bersamin at Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kaugnay sa umano sa pagkakasangkot ng Pangulo sa flood control kickbacks.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Atty. Claire Castro, walang katotohan ang lahat ng mga paninirang ibinabato laban sa Pangulo.
Inihayag din ni Castro na hindi mapipilit ng palasyo na pagsalitain si Bersamin, upang ito mismo ang mag-pasinungaling sa mga balita.
Nag-ugat ang isyu makaraang sabihin ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio na mayroong palitan ng mensahe si Marcos at Bersamin kaugnay ng budget insertions.
Sinegundahan naman ito ni Caloocan Rep. Edgar Erice kung saan sinabi nitong mayroon ngang naipakita si Batangas Rep. Leandro Leviste na umano’y mga mensahe nina Bersamin at Marcos sa isa’t-isa.
Iginiit ni Castro na ang anumang pagbibintang ng walang basehan ay hindi dapat magamit upang pahinain ang tiwala ng publiko sa administrasyon. | via Judea Bernardo
