Pinawalang-sala ng isang korte si dating kongresista Arnolfo Teves Jr. at dalawa pa sa kasong pagpatay ng isang board member ng Negros Oriental noong 2019.
Ayon sa Manila Regional Trial Court Branch 15, nabigo ang prosekusyon na magpakita ng prima facie case na magpapatunay na guilty sina Teves.
Ayon sa abogado ni Teves na si Ferdinand Topacio, pinatutunayan ng desisyon na ang mga kaso laban sa kanyang kliyente ay panliligalig lamang at may bahid ng pamumulitika.
Dagdag pa niya, ipinakita raw ng korte ang pagiging makatarungan at malaya nito sa impluwensyang politikal.
Gayunman, hindi pa tapos ang mga kaso ni Teves.
Nahaharap pa rin siya sa hiwalay na mga kasong murder kaugnay ng pag-atake noong Marso 4, 2023 sa Pamplona, Negros Oriental, na ikinamatay ni Gobernador Roel Degamo at siyam na iba pa.
Nangyari ang pamamaril habang namimigay ng tulong si Degamo sa kanyang bahay, ilang buwan matapos niyang talunin ang kapatid ni Arnolfo na si Henry Teves sa pagka gobernador.
Dahil dito pinatalsik si Teves sa Kamara at nagtago sa Timor-Leste para hindi maaresto.
Biglang idineport si Teves ng Timor-Leste matapos ideklarang banta sa seguridad ang kanyang pananatili roon.
