Teodoro nanawagan sa ASEAN na magkaisa sa gitna ng mga banta sa West PH Sea

Nanawagan si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na magkaisa sa harap ng mga patuloy na banta sa West Philippine Sea. Ayon sa Department of National Defense (DND), ginawa ni Teodoro ang panawagang ito sa kanyang talumpati sa ASEAN Defense Ministers’ Meeting (ADMM) Retreat sa Penang, Malaysia.
Binanggit niya na bagamat ang ASEAN ay nagpanatili ng pinakamahabang panahon ng kapayapaan mula noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ito ay nasa panganib dahil sa kakulangan ng pagkakaisa sa mahahalagang usapin. Idiniin din niya na ang mga banta sa soberanya at karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea ay hindi lamang isyung panrehiyon kundi isang pandaigdigang usapin na nakakaapekto sa pandaigdigang katatagan.
Hinikayat niya ang ASEAN na manatiling nagkakaisa at aktibo sa pagtatanggol ng international law at pagpapanatili ng kapayapaan sa rehiyon. – via Allan Ortega | Photo via Department of National Defense / Facebook

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *