Suporta ng liderato ng Kamara para sa National Minimum Wage Bill, ipinanawagan ni Rep. Jolo Revilla

Pormal na hiniling ni House Committee on Labor and Employment Chair at Cavite 1st District Representative Ramon “Jolo” Revilla III, mas matibay na suporta ng liderato ng kamara, para sa agarang pagpasa ng panukalang National Minimum Wage Bill.

Nakipagpulong si Revilla sa House Speaker na si Faustino Dy III upang hilingin ang pag-prayoridad sa panukala, matapos itong maaprubahan sa antas ng komite.

Ayon kay Revilla, mahalagang mapalakas ang suporta ng pamunuan ng Kamara upang mapabilis ang plenary deliberations at tuluyang maisabatas ang panukala para sa kapakanan ng mga manggagawa.

Sa isinagawang pagbisita, kasama ng mambabatas ang ilang lider-manggagawa na nagsumite ng isang manifesto na may pamagat na “A Manifesto Calling for the Prioritization of Pro-Worker Legislation.”

Sa manifesto na inihain kay Speaker Dy, binigyang-diin ng mga lumagda, na binubuo ng mga manggagawa, unionists, at labor advocates, na patuloy na pinapasan ng milyun-milyong Pilipino ang epekto ng tumataas na presyo ng mga bilihin, mababang sahod, hindi pantay na pasahod sa mga rehiyon, at kawalan ng seguridad sa trabaho.

Layunin ng panukala na magtatag ng isang makatarungan at makataong pambansang pamantayan sa sahod, alinsunod sa prinsipyong “equal pay for equal work,” at iwasto ang hindi makatarungang regional wage disparities.

Kabilang sa mga mambabatas na nagpahayag ng suporta sa inisyatiba sina Albay 3rd District Representative Raymund Adrian Salceda at KAMANGGAGAWA Party-list Representative Elijah San Fernando.

Samantala, kabilang sa mga organisasyong lumagda sa manifesto ang KAMANGGAGAWA, CoTeSCUP, Unified Filipino Service Workers, Workers and Peasant Party of the Philippines, National Federation of Labor Unions, at United Private Hospitals Union of the Philippines, kasama ang iba pang sektor ng paggawa.

Bilang chairperson ng House Committee on Labor and Employment, tiniyak ni Revilla ang patuloy na pakikipagtulungan sa mga kapwa mambabatas at sektor ng paggawa upang maisulong ang panukala. | via Judea Bernardo, D8TV News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *