Niyanig ng isang magnitude 5.2 na lindol, ang bayan ng Kalamansig, Sultan Kudarat madaling-araw ng Martes, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS.
Ang tectonic na lindol ay tumama bandang alas-tres ng umaga, humigit-kumulang apatnapu’t tatlong kilometro sa baybayin o timog ng Kalamansig, na may lalim na sampung kilometro.
Naitala ang Intensity 4 sa Kalamansig. Intensity 3 naman ang naranasan sa Kiamba at Maitum sa Sarangani; Santo Niño, T’boli, Norala, Surallah at Tupi sa South Cotabato; at Isulan sa Sultan Kudarat.
Samantala, Intensity 2 ang naitala sa M’lang sa Cotabato; Digos City sa Davao del Sur; Maasim, Malungon at Alabel sa Sarangani; Tampakan, Tantangan at Banga sa South Cotabato; at Bagumbayan at Esperanza sa Sultan Kudarat.
Naramdaman din ang Intensity I sa Sta. Maria sa Davao Occidental; Malapatan sa Sarangani; Columbio sa Sultan Kudarat; at sa Zamboanga City.
Ayon sa PHIVOLCS, wala namang inaasahang pinsala mula sa lindol, ngunit pinayuhan ang publiko na maging alerto at maghanda sa posibleng aftershocks. | via Judea Bernardo
