Walang nakikitang logical basis si House Speaker Bojie Dy para suportahan ang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at iginiit na ito ay walang sapat na merito.
Ayon kay Dy, malinaw na ginagampanan ng Pangulo ang kanyang tungkulin, taliwas sa mga paratang sa reklamo na may kinalaman sa umano’y korapsyon at paggamit ng droga.
Binigyang-diin ni Dy na ang impeachment ay seryosong hakbang at dapat lamang gamitin bilang huling remedyo, matapos ang masusing, maingat, at metikulosong pagsusuri ng ebidensya.
Gayunman, kinilala rin niya na tungkulin ng Kamara na responsableng talakayin ang reklamo at tiyaking hindi ito nagagamit sa pampulitikang layunin na magdudulot lamang ng pagkakawatak-watak.
Ilang mambabatas, tulad nina Reps. Edgar Erice at Miro Quimbo, ay nagpahayag din ng pag-aalinlangan.
Ayon kay Quimbo, ang impeachment ay remedyo, hindi sandata, at hindi dapat lumikha ng krisis kung wala namang malinaw na paglabag.
Dagdag pa niya, sa nalalabing dalawang taong termino ni Marcos, mas mahalagang panatilihing maayos ang takbo ng gobyerno at protektahan ang ekonomiya.
Sinabi naman ng iba pang mambabatas na mahihirapan ang reklamo na umusad dahil sa malakas na suporta kay Marcos sa Kamara. | via Allan Ortega
