Ipinanawagan ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, sa agarang pagpasa ng matagal nang panukalang magna carta para sa mga barangay na layong bigyan ng mas malakas na suporta, proteksyon, at dignidad ang mga barangay official.
Sa pagdinig ng House Committee on Local Government–Subcommittee on Local Officials and Personnel, sinabi ni Dy na ang mga barangay official ang tunay na frontliners ng pamahalaan at unang nilalapitan ng mamamayan sa oras ng pangangailangan.
Bilang may-akda ng House Bill No. 3533, pinasalamatan ni Dy ang mga miyembro ng komite sa kanilang pagsisikap na isulong ang panukala, na ayon sa kanya ay nakabatay sa kanyang personal na karanasan sa serbisyo publiko.
Dagdag pa niya, bilang dating alkalde at gobernador, lalo niyang napatunayan na ang mga barangay official ang unang rumeresponde sa krisis at huling umaalis matapos maresolba ang problema.
Ayon kay Dy, ginagampanan ng mga barangay official ang tungkulin ng ehekutibo, lehislatibo, at hudikatura, mula sa pagpapatupad ng mga programa ng gobyerno, paggawa ng mga ordinansa sa sangguniang barangay hanggang sa pag-aayos ng mga alitan sa ilalim ng Katarungang Pambarangay.
Binigyang-diin din ng Speaker ang mahalagang papel ng mga barangay noong kasagsagan ng pandemya ng COVID-19, kung saan sila ang nagpatupad ng health protocols, namahagi ng ayuda, at nanatili sa kanilang komunidad sa kabila ng panganib sa kanilang kaligtasan.
Layunin ng panukalang Magna Carta na mapabuti ang sahod at benepisyo ng mga Punong Barangay, Kagawad, SK officials, at barangay personnel, pati na rin ang pagkakaroon ng sapat na pasilidad tulad ng barangay halls at health centers. | via Judea Bernardo
