Arestado ang isang South Korean fugitive na may Interpol Red Notice matapos itong harangin ng Bureau of Immigration sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kinilala ang suspek na si Yun Daeyoung, 50-anyos, na naaresto kahapon, January 11, habang paalis sana patungong Hanoi sakay ng Vietnam Airlines.
Sa routine inspection pa lang, agad na lumabas sa BI system ang Interpol alert, dahilan para isailalim siya sa masusing beripikasyon.
Sangkot umano si Yun sa money laundering at large-scale fraud sa South Korea matapos mang-scam sa isang online shopping mall at nakatangay ng halagang 5.7 million pesos.
Nasa kustodiya ng BI si Yun at sasailalim sa deportation proceedings, habang patuloy ang koordinasyon sa mga otoridad ng South Korea.
