Handa umanong ibigay ng Senado ang buong institutional support nito kay Senator Bato dela Rosa kung sakaling isyuhan siya ng arrest warrant ng International Criminal Court (ICC), ayon yan kay Senate President Tito Sotto.
Ani Sotto, dati nang sinigurado noon ng Senado ang suporta nito sa mga mambabatas na may kinakaharap na kaso.
Ang dating Chief PNP na si Dela Rosa ay pinaniniwalaang isa sa mga arkitekto ng extra-judicial killings sa kasagsagan ng Oplan Tokhang at Oplan Double Barrel, mga sistematikong pagpatay sa madugong drug war ng administrasyong Duterte.
Hindi na nagpakita sa Senado o publiko si Dela Rosa mula noong unang bahagi ng Nobyembre, matapos umugong ang balitang inilabas na ng ICC ang arrest warrant laban sa kanya sa kasong crimes against humanity.
Pero hanggang ngayon, wala pa ring opisyal na kumpirmasyon mula dito ang Department of Justice (DOJ), Department of Foreign Affairs (DFA), o Department of the Interior and Local Government (DILG).
Wala pa ring pinapahayag na red notice ang Interpol laban kay Dela Rosa.
Ani Sotto, dahil wala pang abiso sa Senado tungkol sa arrest warrant ng senador, wala pang pagbabago sa kanyang status at handa itong magbigay ng legal at institusyonal na tulong kung kinakailangan. | via Allan Ortega
