Malinaw umanong isang pakikialam ng Korte Suprema ang naging desisyon nito sa impeachment case laban kay Vice President Sara Dutert, ito ang opinyon ni Senate President Vicente Sotto III.
Ayon kay Sotto, hindi tama ang naging interpretasyon ng Korte Suprema at tila binabago nito ang mismong Konstitusyon sa pamamagitan ng aniya’y judicial overreach.
Matatandaang noong July 2025, hindi itinuloy ng Supreme Court ang impeachment trial laban kay Duterte dahil sa probisyon ng Saligang Batas na nagbabawal ng mahigit isang impeachment proceeding sa loob ng isang taon.
Iginiit ng korte na dapat umiral ang due process at kailangang mabigyan muna ang iniimpeach ng opisyal ng kopya ng reklamo at mga ebidensiya bago ito isumite sa Senado.
Matatandaang tatlong reklamo ang inihain laban kay Duterte noong December 2024, kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds.
Sinundan ito ng ikaapat na reklamo na inendorso ng mahigit 1/3rd ng mga kongresista at agad na ipinadala sa Senado.
Giit ng Kamara, hindi pa umano epektibo ang one-year ban dahil na-archive lang ang naunang reklamo matapos maipasa ang ikaapat.
Pero ayon sa Korte Suprema, saklaw na ng one-year bar rule ang fourth impeachment complaint.
Babala ni Sotto, maaaring abutin ng ilang dekada bago maitama ang aniya’y maling interpretasyon ng korte. | via Ghazi Sarip
