SONA Tarpaulin, ipinatigil ni Pangulong Marcos ang pagkakabit

Ipinatigil ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ilang mga paghahanda para sa nalalapit niyang ika-apat na State of the Nation Address o SONA.

Ito ay kasunod ng ulat na ilang kawani ng gobyerno ay abala sa paglalagay ng SONA-related materials sa mga pampublikong lugar sa kabila ng matinding pagbaha na nararanasan sa maraming bahagi ng bansa.

Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, ikinadismaya ito ng Pangulo kaya’t agad siyang nag-utos na suspendihin ang lahat ng aktibidad kaugnay sa SONA. Sa halip, iniutos ng Pangulo na ituon ang lahat ng atensyon sa pagtugon sa baha at relief operations para sa mga apektadong mamamayan.

Partikular na inatasan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang ahensya na tutukan ang kaligtasan at kapakanan ng publiko sa gitna ng krisis dulot ng pagbaha.

Dagdag pa ni Bersamin, umaasa silang susunod ang lahat ng kagawaran sa direktiba ng Pangulo upang mas mapabilis ang pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan.

Matatandaang nag-viral kahapon sa social media ang mga larawang nagpapakitang naglalagay na ng mga poster at larawan ni Pangulong Marcos para sa kaniyang SONA na nakatakda sanang ganapin sa Lunes, Hulyo 28.

Sa kabila ng paghahanda para sa isang mahalagang talumpati ng estado, piniling unahin ng Pangulo ang kapakanan ng mamamayan, isang paagpapatunay na sa panahon ng sakuna, serbisyo publiko muna. | via Ghazi Sarip | Photo via Wikipedia

#D8TVNews #D8TV

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *