Muling magsasagawa ngayong linggo ng pagdinig ang Senate Blue Ribbon Committee kaugnay naman sa pag-isyu ng Bureau of Internal Revenue o BIR ng mga letter of authority (LOA) at mission order (MO).
Ayon kay Senate President Pro Tempore at Blue Ribbon Committee Chair Panfilo “Ping” Lacson, kailangang malinaw at pormal na ipaliwanag ng BIR ang mga repormang kanilang ipinatupad upang maiwasan ang pang-aabuso sa mga taxpayer.
Diin ni Lacson, nais malaman ng komite kung may sapat na safeguards na ba upang mapigilan o mabawasan ang umano’y pang-aabuso at pananakot sa mga nagbabayad ng buwis.
Kapag napatunayang maayos na ang sistema, maaari nang tapusin ng Senado ang imbestigasyon sa usapin.
Kaya naman, agad nang magtatakda ng pagdinig ang komite ngayong linggo upang makinig sa panig ng BIR.
Matatandaang pansamantalang sinuspinde ng BIR ang mga audit operation noong Nobyembre matapos lumutang ang alegasyon ng extortion scheme na may kaugnayan sa paggamit ng LOA at MO.
Ngunit kamakailan, inanunsyo ng BIR ang pagbabalik ng kanilang audit operations kasabay ng mga reporma kabilang ang patakaran na isang LOA na lang ang maaaring i-isyu sa bawat taxpayer kada taon. | via Ghazi Sarip
