Posibleng lumabas na minamadali ng Senado ang proseso sakaling isulong nito ang pagtalakay sa umano’y arrest warrant nina Sen. Christopher “Bong” Go at Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa mula sa International Criminal Court (ICC).
Sa panayam ng D8TV kay Dr. Froilan Calilung, political analyst at director ng Local Government Development Institute, ito’y dahil hindi pa naman umano nakikipag-ugnayan ang ICC sa gobyerno.
Sa tanong kung mabibigyan ba ng pantay na karapatan ang dalawang senador, sinabi ni Calilung na maaaring maging mahirap ito dahil kaunti lamang ang bilang ng minorya sa mataas na kapulungan.
Ayon kay Calilung, kung ang layunin ng administrasyon ay pahinain ang Duterte bloc, posibleng ito ang nakikitang paraan ng gobyerno upang maisakatuparan ito.
Binigyang-diin din niya na batay sa Konstitusyon, kahit pa mawala sina Go at Dela Rosa, mananatili sa 16 ang tinatawag na “magic number” sa Senado. Aniya, sakaling matuloy ang pag-aresto, kinakailangang may tumawid mula sa minorya patungo sa mayorya upang mabuo pa rin ang nasabing bilang.
Dagdag pa ni Calilung, nakasaad sa Konstitusyon na hangga’t hindi expelled o opisyal na napapatalsik ang isang mambabatas, mananatili itong senador at malaya pa ring makaboboto, kahit sa usapin ng impeachment. | via Joana Luna, D8TV News
