Senado, handang maghain ng resolusyon laban sa Chinese diplomat

Susubukan ng Senado na ipasa ngayong araw ang isang resolusyong kumokondena sa Chinese Embassy sa pagbatikos nito sa ating mga opisyal na nagsasalita para ipagtanggol ang karapatang pandagat ng bansa.

Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, sisikapin ng Senado na pagtibayin ang panukala kung saan nakasaad ang pagkadismaya nila sa mga pahayag ng Chinese Embassy laban kina Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Commodore Jay Tarriela at Senator Risa Hontiveros na matapang na tumatalakay sa usapin ng West Philippine Sea.

Binansagan ding pro-China ng ilang Senador ang hindi lumagda sa resolusyon.

Samantala, nagbabala si Deputy Majority Leader JV Ejercito na maaaring maharap sa kasong treason ang mga Pilipinong umano’y bayarang troll ng China, lalo na’t ang isyu ay may kinalaman sa national security.

Giit niya, ang pagtanggap ng bayad mula sa pamahalaan ng dayuhan para siraan ang Pilipinas ay seryosong banta sa national interest.

Hindi agad nila naaprubahan ang resolusyon matapos humiling si Minority Leader Alan Peter Cayetano ng panahon para pag-aralan ito, at iminungkahing idaan muna sa pagdinig sa komite.

Sa ngayon, 15 lamang sa 24 na senador ang lumagda sa panukala. | via Ghazi Sarip

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *