Handa ang Senado na isagawa ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte kung babaligtarin ng Korte Suprema ang desisyon nitong nagdeklara na unconstitutional ang Articles of Impeachment laban sa kanya, ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III ngayong Miyerkules.
Ayon kay Sotto, kung magpapasya ang SC na baguhin ang desisyon, agad nilang “bubuhayin” mula sa archive ang impeachment papers.
Noong Agosto, inilipat ng Senado sa archive ang Articles of Impeachment matapos ideklarang labag sa Konstitusyon ng SC.
Na-impeach si Duterte ng House of Representatives noong Pebrero 5 sa boto ng mahigit 200 kongresista dahil sa umano’y betrayal of public trust, graft and corruption, at iba pang mabibigat na kasalanan.
Tumugon si Duterte ng “not guilty” at tinawag ang reklamo na “isang pirasong papel lang.”
Giit ng Korte Suprema, lumabag sa one-year rule ang reklamo at nalabag din ang karapatan ni Duterte sa due process.
Ngunit nilinaw ng SC na hindi nito nililinis si Duterte sa mga paratang at maaaring magsimula muli ang bagong impeachment complaint simula Pebrero 6, 2026.
Tatlong motion for reconsideration ang inihain laban sa desisyon ng SC — mula sa mga nagpasimula ng reklamo, sa House of Representatives, at sa 1Sambayan coalition na pinamumunuan nina Carpio-Morales at Carpio, na humihiling ng status quo ante order at oral arguments sa kaso. | via Allan Ortega
