Mula sa biruan sa Senate lounge ng mga miyembro ng majority bloc, ngayon ay isa nang tunay nga na plano kung saan ang bagong Senate president ay iluluklok mula sa kanilang hanay.
Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, napagkasunduan na sa huling bahagi ng termino ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa 20th Congress ay ihahalal ang kauna-unahang babaeng Senate president sa kasaysayan.
Nilinaw ni Zubiri na hindi ito term-sharing nina Sotto at Senator Loren Legarda na bagama’t hindi pormal ay nagpagkasunduan ng siyam na senador.
Matatandaang inamin ni Sotto na planong iupo si Legarda bilang kapalit niya bago matapos ang 20th Congress sa 2028.
Ani Zubiri, alam ni Legarda ang planong ito dahil kasama siya sa naturang pagpupulong kabilang sina Senators Sotto, Panfilo Lacson, JV Ejercito, Sherwin Gatchalian, Kiko Pangilinan, Risa Hontiveros at Bam Aquino.
Posibleng maupo si Legarda bilang Senate president matapos lumipat ang Senado sa bagong gusali nito sa Taguig City na aasahan umano sa huling bahagi ng 2027.
Samantala, handa naman si Zubiri na bumaba sa puwesto upang bigyang-daan si Senator JV Ejercito bilang bagong majority leader.
Target din ng majority bloc na palawakin pa ang kanilang hanay sa pamamagitan ng paghimok ng mas maraming senador mula sa minority. | via Ghazi Sarip
