Nanawagan si Senador Raffy Tulfo na permanenteng ipatigil ang lahat ng klase ng online gambling sa bansa, kabilang na ang mga legal na operasyon na accredited at pinapayagan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
“Napakarami nang taong lulong dito sa online gambling kasi napakadaling ma-access. Something has to be done. That is why I am filing a bill na total stop—not regulated or strictly regulated. For me, no, it has to be stopped,” ani Tulfo.
Hinimok din ni Tulfo ang PAGCOR na ihinto na ang pagpapalabas ng mga advertisement na humihikayat sa mga tao na sumubok ng online gambling.
Tinanong din ang senador kung paano matutugunan ang maaaring mawalang PHP140 bilyon na revenue mula sa online gambling kung tuluyan itong ipatitigil.
“Pero marami naman tayong pwedeng pagkuhanan ng PHP140 billion na mawawala kung ma-ban ang online gambling. Just think of it—PHP140 billion kumpara naman sa mga nasisirang pamilya at mga Pilipino. I think the benefits na nakukuha ng ating gobyerno mula sa revenue ng online gambling do not outweigh the ill effects. Saan tayo?” paliwanag ni Tulfo.
“Eh kung dahil sa PHP140 billion ay masisira naman ang napakaraming pamilyang Pilipino, at maraming malululong sa sugal, bakit hindi na lang ipatigil ang online gambling?” dagdag pa niya.
Umaasa rin si Tulfo na mabibigyang pansin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang usapin at mga problemang dulot ng online gambling sa nalalapit na ika-lima niyang State of the Nation Address (SONA) sa darating na Hulyo 28. | via Clarence Concepcion | Photo via Senate of the Philippines
#D8TVNews #D8TV