Inihayag ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson na halos lahat ng senador noong 19th Congress ay mayroong budget insertions sa 2025 General Appropriations Act (GAA).
Ang nasabing insertion ay aabot sa ₱100 billion halaga ng proyekto.
Ibinunyag din ni Lacson na nakasaad sa dokumento ng mga insertion ang “For Later Release.”
Ayon pa sa senador, napakalaking halaga nito kumpara sa mga naging isyu noon sa PDAF na nagkakahalaga lamang ng daang milyon ngunit ngayon ay aabot na sa ₱100-B sa 24 senador lamang.
Bagama’t hindi ilegal ang pagkakaroon ng amendments o insertions, nakababahala naman ang halaga nito na aabot sa ₱5 billion hanggang ₱9 billion para sa isang proyekto.
Sabi pa nito, posibleng maging banta pa ito sa ekonomiya dahil nalilihis ang pondo na napag-aralan na mula barangay hanggang regional level ang paglalaanan nito.
Iginiit din ng senador na bukod sa Department of Public Works and Highways (DWPH), kasama rin sa karamihan ng insertions ay para sa mga proyekto sa Department of Education at Department of Transportation.
Lumabas din ang paggamit sa tinatawag na “leadership fund” sa DPWH para makapasok ang proyekto ng ilang mambabatas sa National Expenditure Program (NEP).
Umaasa naman si Lacson sa kapwa-mambabatas na pigilan na ng mga ito na maglagay pa ng insertions sa 2026 national budget. | via Alegria Galimba
