Bukas si Sen. Christopher “Bong” Go sa anumang imbestigasyon kaugnay sa umano’y koneksyon sa mga Discaya.
Ayon sa senador, hindi niya kilala ang mag-asawang Discaya at hinikayat ang mga ito na magsabi ng totoo.
Handa rin umano siyang magreklamo sakaling mapatunayan kung may pagkukulang at pagkakamali ang kanyang kaanak sa joint venture kasama ang mga Discaya.
Sabi pa ni Go, pinangangalagaan niya ang kanyang delicadeza bilang opisyal ng pamahalaan.
“Bilang public servant, noon, government employee, nung naging mayor (si dating pangulong Duterte), isa lang pinakausap ko noon, ‘Kapag pumasok ‘yung kamag-anak ko sa government transactions sa city hall, I will resign’ dahil I observe delicadeza,” ani Go.
Tiniyak din ng senador na kaisa siya ng mga Pilipino sa paglaban kontra korapsyon.
“I am one with the Filipino people in this crusade against corruption. Kasama n’yo po ako rito. Hindi tayo titigil at huwag tayong pumayag na ilihis ang katotohanan,” sabi pa ng senador.
Naglabas ng pahayag si Go kasunod ito ng pagsisiwalat ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na posibleng may pinoprotektahan umano ang mga Discaya sa isyu ng flood control. | via Alegria Galimba
