Seguridad ng mga Pilipinong mangingisda sa WPS, pinatitiyak ni PBBM

Tinitiyak ni Pangulong Bongbong Marcos na kanilang ipaprayoridad ang kaligtasan ng mga Pilipinong mangingisda, matapos bombahin ng tubig ng China ang kanilang mga bangka.

Sa isang press briefing sa Malacañang, sinabi ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro na ipinag-utos na ng Pangulo ang pagde-deploy ng karagdagang tauhan ng Philippine Coast Guard sa strategic locations para mabantayan at maproteksyunan ang ating mga mangingisda roon.

“Ang pinagbilin at ang direktiba ng Pangulo ay unahin ang kaligtasan ng ating mga kababayan at mga mangingisda na minsan ay nanganganib ang kanilang buhay. Ipinag-utos din na magkaroon ng deployment sa mga strategic location para mabantayan at mabigyang proteksyon ang ating mga mangingisda,” ani Castro.

Bukod dito, suportado rin ng Pangulo ang pagbili ng karagdagang Coast Guard vessels.

“Sinusuportahan po ng ating Pangulo ang pagbili ng mga Coast Guard vessels para marami rin po ang makapagbantay rin po sa ating interes at interes ng ating mga kababayan,” ani Castro.

Batay sa ulat ng PCG, tatlong Pilipinong mangingisda ang sugatan at dalawang bangka ang nawasak sa ginawang pag-atake ng China noong December 12.

Samantala, ipinauubaya naman ng Palasyo sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang paghahain ng diplomatic protest. | via Alegria Galimba

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *