Ikinabigla ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang umano’y lihim na pagbaligtad ng desisyon sa kasong kinakaharap ni Senador Joel Villanueva.
Dahil dito, sinabi niyang hindi na niya ipipilit sa Senado ang pagpapatupad ng 2016 dismissal order laban sa senador.
Una nang inanunsyo ni Remulla na susulatan niya ang Senado upang ipatupad ang utos ng Ombudsman na tanggalin sa puwesto si Villanueva kaugnay ng umano’y maling paggamit ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong 2008, nang siya’y kongresista pa.
Pero ayon kay dating Ombudsman Samuel Martires, matagal na niyang pinagbigyan ang motion for reconsideration ni Villanueva noong 2019, na tuluyang nagbasura sa dismissal order.
Para kay Remulla isang ‘secret decision’ ang ginawa ng dating ombudsman dahil lumabas lang ang nasabing desisyon ng kumilos ang Office of the Ombudsman laban kay Senador Villanueva.
Dagdag pa ni Remulla, ni hindi man lang nagsalita si Villanueva o si Martires tungkol sa isyu.
Matatandaang tumanggi rin noon ang Senado na ipatupad ang 2016 order, iginiit na tanging sila lang ang may kapangyarihang magparusa o magtanggal ng sariling miyembro.
Samantala, ipinakita naman ni Villanueva nitong Huwebes ang ilang bahagi ng 2019 Ombudsman decision na nagsasabing walang sapat na basehan para kasuhan siya ng malversation.
Naglabas din ang senador ng mga screenshot ng clearance mula sa Ombudsman at Sandiganbayan na nagpapatunay na wala siyang nakabinbing kaso, kriminal man o administratibo. | via Andres Bonifacio Jr.
