Binigyang-diin ni Supreme Court Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa na dapat ilaan ang pondo ng PhilHealth mula sa buwis sa alak at sigarilyo (sin tax) at sa Universal Health Care Act (UHCA). Ito ay kasunod ng petisyong kinukuwestiyon ang desisyon ng Kongreso na hindi magbigay ng pondo sa PhilHealth dahil sa labis nitong reserba.
Sa oral arguments noong Abril 2, kinuwestiyon ni Caguioa si Solicitor General Menardo Guevarra sa pananaw nitong may kapangyarihan ang Kongreso na magtakda kung magkano ang ibibigay sa PhilHealth. Ayon kay Guevarra, may diskresyon ang Kongreso batay sa batas. Ngunit giit ni Caguioa, sinisira nito ang mandato ng sin tax laws at UHCA na tiyaking may sapat na pondo para sa universal healthcare.
Ipinunto ni Caguioa ang mga probisyon ng batas na nagsasaad na ang premium subsidy ng gobyerno para sa mahihirap, matatanda, PWDs, at solo parents ay dapat direktang ibigay sa PhilHealth. Binanggit din niya ang apat na batas sa sin tax na nag-uutos na ang buwis mula rito ay nakalaan lamang para sa universal healthcare.
Bagamat kailangang dumaan ang pondo sa pambansang badyet (General Appropriations Act), iginiit ni Caguioa na nananatili itong nakatali sa layunin nitong pondohan ang PhilHealth.
Pinag-aaralan din ng Korte Suprema kung paano dapat gamitin ang reserve funds ng PhilHealth at ang legalidad ng paglilipat ng P89.9 bilyong hindi nagamit na pondo sa national treasury. Noong Oktubre 2024, pinigil ng Korte ang paglilipat ng natitirang P29.9 bilyon. | via Lorencris Siarez | Photo via Supreme Court Public Information Office
#D8TVNews #D8TV