Sarah Discaya at 9 iba pa, humarap sa unang pagdinig ng kaso sa P96.5-M flood control project sa Davao Occidental

Humarap ngayong araw sa pamamagitan ng online conference ang contractor na si Sarah Discaya sa kauna-unahang pagdinig ng kanyang kaso sa Lapu-Lapu City Regional Trial Court sa Cebu, kaugnay ng kontrobersyal na flood control projects.

Ayon sa Bureau of Jail Management and Penology o BJMP, mahigpit ang ipinatutupad na seguridad sa Female Dormitory Jail kung saan kasalukuyang nakakulong si Discaya, kasama ang iba pang opisyal ng Department of Public Works and Highways na sangkot din sa umano’y anomalya.

Agad na nagpatupad ng kaukulang security measures simula nang dalhin si Discaya sa kulungan, kabilang na ang ligtas nitong pagbiyahe patungo at mula sa korte.

Sentro ng pagdinig ang motion to quash sa warrant of arrest laban kay Discaya na inihain noong December 19, kasama ang motion para sa pagbabasura ng warrant laban sa iba pang akusado mula sa DPWH at sa construction firm nito.

Giit nila, hindi saklaw ng OCA-Circular 328-2025 ang mga akusadong opisyal.

Paliwanag ni Atty. Joseph Randi Torregosa, dapat manatili ang kaso sa RTC Malita, Davao Occidental dahil wala umano sa mga akusado ang may posisyong may Salary Grade 27 o mas mataas, gaya ng nakasaad sa kautusan ng Korte Suprema.

Sa ngayon, wala pang desisyon si RTC Branch 27 Presiding Judge Nelson Leyco hinggil sa mga inihain na mosyon.

Samantala, itinakda naman ang arraignment ng kaso sa January 13, 2026.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *