Nagkaroon ng mga pagguho ng lupa sa Barangay Quibal, Peñablanca, Cagayan nitong Huwebes, na tuluyang humarang sa bahagi ng kalsadang lumubog noong Nobyembre 23 dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan mula sa shear line.
Dahil dito, pansamantalang isinara ng DPWH ang lugar para sa clearing operations.
Paliwanag ng PAGASA, nabubuo ang shear line kapag nagsasalubong ang malamig at tuyong hanging amihan at ang mainit, mamasa-masang hangin mula Pasipiko.
Sa hiwalay na abiso, hindi na madaanan ng magagaan na sasakyan ang bahagi ng Manila North Road sa San Juan, Pamplona, Cagayan dahil sa pagbaha.
Inirekomenda sa mga motorista ang San Juan–Centro Pamplona provincial road bilang alternatibong ruta.
May mga tauhan ang DPWH–Cagayan 2nd District Engineering Office para tumulong at maglagay ng warning signs.
Samantala, nag-anunsyo ang iba’t ibang LGU ng class suspensions sa Cagayan at Isabela dahil sa epekto ng shear line.
Suspendido ang lahat ng antas sa Santiago, Cauayan, Ilagan (Isabela) at Tuguegarao City (Cagayan).
Kanselado rin ang pasok sa mga bayan ng Mallig, Cabatuan, Echague, Gamu, Palanan, at Tumauini sa Isabela.
Sa Cagayan, pinalawig ni Aparri Mayor Dominador Dayag ang suspensyon hanggang kolehiyo.
Wala ring in-person classes sa Rizal at Enrile, habang parehong onsite at online classes ang suspendido sa Solana, Peñablanca, Camalaniugan, Iguig, Amulung, Baggao, Abulug, Sto. Niño, Gonzaga, Piat, Ballesteros, Allacapan, at Sanchez Mira. Sa Lasam, hanggang senior high school ang suspensyon. | via Allan Ortega
